Tuesday, October 28, 2008

‘Te Noemi, the wonder titser!: isang pagtingin sa mga public school teachers.


Ngayong kolehiyo ako natutong humanga sa mga public school teachers. Sa UP ko kasi nakilala ang mga matitiyagang instructor na nagtuturo hindi dahil sa pera kung hindi dahil sa investments sa mga bagay na tunay na magtatagal. Pero nalaman ko na hindi lang pala sa UP mayroong ganitong klase ng mga titser, mayroon din pala sa loob ng tahanan ko.
Sa UP nakilala ko ang mga instructor na nagtitiis sa pagtuturo nang nagpoproject ng presentation sa isang puting tela na thinumbtacks sa blackboard. Mayroon din namang nag-hihirap na gumawa ng visual aids na kartolinang makukulay para ma-stimulate ang mga studyanteng makinig (Isa rin siguro sa mga dahilan nito ay dahil sa kakulangan sa equipment sa eskwelahan.
).  
Sa talino at husay nila, maari silang magtrabaho sa mga kumpanya na pwedeng magpasweldo nang malaki. Kahit na ganoon, pinipili parin nilang manatili sa pagtuturo nila sa isang public school.
Pagdating ng sweldo, matapos ang hirap sa pakikipag-agawan sa projector, sa puting tela at thumbtacks, sa nakakapagod na pagtuturo nang napaka-animated, sa pag-gawa ng visual aids, sa pagchecheck ng “trak-trak” na papers at exams, kakarampot parin ang nakukuha nila.
Pinakita sa akin ni Sir Amor ang salary report niya sa isang buwan. Sa isang linggo, mahigit sa 2k ang kaniyang sinusweldo. Sa loob ng isang buwan, mahigit 13k ang kaniyang kita. Napaisip ako kung paano niya ito napagkakasiya sa taas ng bilihin ngayon. May inaalala pa siyang bayarin sa kuryente, tubig at bahay. Paano pa kaya ‘yung mga instructor na may mga anak na pinapaaral?
Dito ko naramdaman na hindi naman talaga pera ang dahilan kung bakit nananatili ang mga titser na ito sa public school. Natutunan ko ang dahilan nito ay ang dedikasyon ng mga public school teachers na mag-punla ng pagbabago sa kabataan para sa kaunlaran ng kinabukasan.
Pero, sa lahat ng public school teachers na nakilala ko, ang Ate Noemi ko ang higit na nagpakita sa akin nito.
Kilalang-kilala ko ang ate ko. Pero, noong nagkolehiyo ako, minsan na lang kami nagkakasama, kaya tuwing semestral at summer break lang kami nagkakakilanlan pa.
Ngayong sem break nga, nakilala ko si Ate Noemi bilang isang public school titser. Ito ang unang taon ng pagtuturo ng ate ko sa public school. Dahil baguhan pa lamang siya, nilagay siya sa last section (section 16) ng grade one. Ito ang hell section ng public schools. Dito pinakamarami ang studyante. At bukod pa doon, hindi pa marunong magbasa ang mga bata.
Isang araw, dinalaw ko ang ate ko sa trabaho niya. Pagpasok ko sa classroom niya, ang naisip ko lamang ay, “Naku po, Diyos na mahabagin.”
In fairness naman to my ate, compared sa noong una kong nakita ang classroom na iyon noong June ay mayroon ng pintura ang pader, tanggal na ang anay na tumatawid na pa-ekis-ekis sa kalagitnaan ng sahig ng classroom, wala ng nag-suswing-swing na putol-putol na kable ng kuryente sa kisame, at isang sulok na lamang ng kisame ang nakanganga. Marami nga namang pagbabago ang naganap sa classroom na iyon.
Pero, Diyos na mahabagin. Matay ko mang isipin, kung ako ang titser sa classroom na iyon, hindi ako tatagal ng isang araw, dadalawin na lang ako ng pamilya ko sa ospital.
Pagbukas ko ng kinakalawang at nayuping bakal na pintuan ng classroom na iyon, tumambad sa akin ang nagmimistulang gubat na paligid ng pinagtuturuan ni Ate Noemi. Parang nag-momorph into jungle trees ang mga pader at may mga batang parang pinakawalan mula sa hawla na nagtatalunan, naghahatakan at nagtatakbuhan.
Habang nagkakandamalat-malat si Ate Noemi sa katuturo nang pasigaw, ang mga bata ay nagtatalunan at nagtatawiran sa ibabaw ng mga lamesa at ang ilan pa nga ay nagsusuntukan. May mga batang hindi suot ang kanilang blouse o polo at ito ay nakasabit sa kanilang balikat, mistulang mga siga kung umasta.
Ang nasabi ng ate ko nung nakita niya ako, “Hay, naku. Grabe si Bien.” Sa dami ng mga estudyante na nagkakagulo sa classroom niya, may isang batang tumitimbang sa kakulitan ng lahat ng mga batang ‘yun, dahilan para siya ang bigyan ng pansin.
Nang makita ko si Bien, nagulat ako dahil dugu-duguan ang polo at sando nito. Pero sa kabila noon, nakikipagkulitan pa ang bata sa mga kaklase niya.
Kasama ko ang tita ko na pinuntahan si Ate Noemi sa school, i-eenroll niya kasi ang mga pinsan ko doon (ito isa pang nakakalokang kwento ito, pero wala nang kinalaman sa public school teachers ito kaya next time ko nalang i-bablag). Kaya naman, sinamahan muna ni Ate si Tita sa opisina ng principal. Naiwan ako sa classroom para magbantay ng mga studyante ni Ate.
Dahil nagtatakbuhan ang mga bata, sinubukan ko silang sawayin. Noong nagsalita ako, hindi marinig ang boses ko kaya naman nilakasan ko ito. Ngunit hindi parin ito marinig kaya naman humugot ako ng hangin mula sa diaphragm ko at sumigaw ako sa mga bata para maupo sila. Naisip ko na kaya naman pala simula noong June ay hindi na gumaling ang malat ni Ate Noemi. Imagine, yung effort ko ng pagsigaw para lang sa isang sentence ay ginagawa niya sa loob ng limang oras, araw-araw sa nakaraang limang buwan. Walang epekto sa mga bata ang pag-sigaw ko kaya naman nakipagkwentuhan na lang ako sa iilan na nakaupo.
Sabi ng isang bata, “Si Bien po, pinaiyak si titser.” Nagulat ako, naisip ko na nagbibiro lang ang bata dahil hindi naman iyakin si Ate.
Samantala, maya-maya, may mga bata na gustong mag-CR. Sabi ko isa-isa lang pero halos lahat sila ay bumaha sa akin at halos mapagtulakan nila ako palabas ng classroom. Sabi ko, “O sige alphabetical order nalang.” Lalo akong nalito dahil sabayang isinisigaw ng mga bata ang mga pangalan nila sa akin. Kaya naman pina-CR ko nalang silang lahat. Noong panahong ‘yun, na-imagine ko ang mga nasawi sa Ozone Disco, kung paano sila nagbubumaha, nagtutulakan, naghahatakan, nagkakandarapa at nagkakadaganan palabas ng pintuan.

Kaya naman, laking pasasalamat ko na bumalik na si Ate Noemi. Ayun, medyo na-regulate ang kaguluhan sa classroom. Noong, medyo tumagal na ako doon ng halos isang oras, naramdaman ko na tumatagaktak na ang pawis ko. Dalawa lamang ang bintilador sa classroom na iyon, at kahit isa doon, wala akong naramdaman na umaabot sa akin ang hangin.
Halos siksikan sa dami ng mga bata ang classroom at lalo pang sumikip dahil pinagdikit-dikit ang mga lamesa sa gitna dahil sa mga boxes ng noodles na patung-patong sa gilid. Kaya naman pala hindi matagalan ng mga bata na suotin ang kanilang mga uniporme at sinasabit na lang nila ito sa balikat nila ay dahil sa sobrang init.

Noong matapos na si Ate na magturo ay nakipagkwentuhan ako sa kaniya. Sinabi ko sa kaniya na sabi ng isang bata doon na pinaiyak daw siya ni Bien. Naawa ako kay Ate dahil noong narinig niya na sinabi ko yun, biglang namula at namugto ang mata niya sa luha.

Sabi ni Ate, nakipagsuntukan daw si Bien sa kaklase niya. Tumalikod lamang daw siya sandali dahil may importanteng sasabihin sa kaniya yung isang titser. Nang bumalik ang tingin niya sa mga bata, nakita niya si Bien na nakikipaghatakan sa kalase niya. Alam na ni Ate na magsusuntukan ang dalawa kaya tumakbo agad siya papunta dito. Subalit, hindi parin niya napigilan ang dalawa, kaya naman nasuntok si Bien sa ilong at dumugo ito. Dalawang butas daw ng ilong ni Bien ang dumudugo. Nakita ko ang uniporme ni Ate at pati pala ito ay may dugo rin, pati rin pala relo niya may dugo. Maya-maya napansin naming dalawa na pati pala paa niya natuluan ng dugo ni Bien.
Takot na takot si Ate kasi hindi lang naman yun ang unang beses na dinugo si Bien. May isa pang pagkakataon na nuo naman ni Bien ang dumugo dahil sa aksidente sa classroom.

Sa mga panahong may mga ganoong aksidente sa classroom, sabi ni Ate, ang titser lang ang umaagapay. Wala kasing clinic sa eskwelahan nila. Naalala ko tuloy noong nag-collapse ako sa school at super si Sir Jawo ang nag-asikaso na dalhin ako sa ospital dahil walang tao sa clinic. Hay, nakakahabag ang sitwasyon sa mga public school.
Pagkatapos ng buong araw ng physical, emotional, at mental stress na iyon ni Ate Noemi, hindi pa natatapos ang trabaho niya. Pag-uwi namin sa bahay, gumawa pa siya ng visual aids at lesson plan para sa susunod na araw na takdang aralin nila.
Sabi ni Mami, noong siya naman ang dumalaw kay Ate, dalawang studyante naman ni Ate ang nag-suka. O, Sir Jawo, kamusta naman, kayo isa lang ang nag-suka sa klase niyo.hehehe
Araw-araw binubuno ni Ate Noemi ang pag-tuturo sa public school. May stock kami sa bahay ng gulaman na niluluto ni Ate para maibsan ang sakit at pagkamalat ng kaniyang lalamunan. Ang tabchinching kong ate, lumiit na ang tila imposibleng papayat niyang hita dahil sa limang oras na pagtayo sa harap ng mga estudyante.
Pagdating ng sweldo, kakarampot parin ang natatanggap ni Ate Noemi. Sa unang apat na buwan ni Ate sa public school, wala siyang sinusweldo. Noong mga nakaraang buwan, 20 pesos lang ang nagagastos niya sa buong araw. Nagbabaon siya ng pagkain at pantricycle lang ang nagagastos niya. Nahihiya daw kasi siyang humingi kay Mami ng pera. Sa dami kasi ng pinuproblema ni Mami—pag-aaral ko, mga pinsan na walang pang-gastos at mga bayarin sa bahay—ayaw na ni Ate Noemi na dumagdag dito. Isang buwan na sweldo palang ang natatanggap ni ate simula noong June. Ito ay 10k. October na ngayon, pero sabi ni Ate, sa December na daw ang susunod niyang sahod.
Hindi ko lubos maisip kung paano natatagalan ni Ate na magtrabaho sa public school. Bilib ako sa tatag niya na kumapit parin sa kabila ng hirap na dinadanas niya doon.
Ngayon, bukod sa advocate na ako ng pagpapabagal ng epekto ng Global Warming (na ang dahilan ay dahil nahahabag ako sa mga bata sa classroom ni Ate sa sobrang init), ay advocate na rin ako ng 125-peso wage increase. Hindi dapat ipagkait sa mga public school teachers ang kaginhawaan sa buhay. Sana kahit papaano ay nacocompensate naman ng salary nila yung effort na binubuhos nila sa pagtuturo. Dapat, dito palang sa sarili nating bansa ay maramdaman na nila ang kaginhawaan. Ayokong mangibang-bansa ang Ate ko. Katulad ng mga instructor ko sa UP, isang mahusay na guro ang kapatid ko. Ayokong isipin na walang magagawa ang gobyerno para pigilan ang unti-unting pagkawala ng mga mahuhusay na guro sa bansa natin.
Madalas kong naririnig kay Ate Noemi ang katagang, “Ayoko na, isang taon lang talaga ako sa public school!” Pero, noong tinanong ko siya kanina kung ano’ng mararamdaman niya na next year maaring hindi na niya studyante yung mga tinuturuan niya ngayon, napatahimik siya. Natulala siya nang ilang sandali, kumunot ang nuo, saka napangiti.
Sa ngayon, sa tingin ko, kaiba kay Sir Arjay at Sir Amor, hindi pa talaga alam ni Ate Noemi ang dahilan kung bakit nanatili parin siya sa public school. Pero katulad ng pag-hanga ko sa mga college instructor ko, bilib ako sa Ate Noemi ko. Ang katunayan lamang na kahit wala siyang sinusweldo sa public school ay nanatili parin siya dito ay napapahanga na niya ako. Para sa akin, ang Ate Noemi ko ay isang “Wonder Titser.”
 

7 comments:

  1. nakakaiyak naman ito. advance birthday gift ba ito sa kanya? :) giginhawa din ang buhay ng ate mo because she deserves it.

    ReplyDelete
  2. nakakatuwa ka magkuwento.

    Wow, grabe yung Ate mo. Ang tiyaga. Dedicated pa. It's quite inspiring.

    ReplyDelete
  3. nyek.hehehe
    excited na kaming umuwi ka.hehehe ang dami na ngang nagupit nila tchr ghie na dadalhin mo daw sa hawaii.=)

    ReplyDelete
  4. i think so anymore.hehehe
    ang tiyaga nga niya grabe...in fairness to her. sana tumaas ang sweldo niya.=)

    ReplyDelete
  5. go ate noemi! mabuhay ang mga guro :)

    ReplyDelete
  6. ay...kaya po pala hindi talaga ako pwedeng maging titser. ;P

    ReplyDelete